Balitang-Balita
Editorial
Naaangkop na Pagkilos ng Yahoo
Pahina 3
Halungkat: Q & A sa Buhay ni Henry
Segments
BEFORE SUNDAYS: Mga Pagbasa para sa Misa sa July 3, 2005
BITS AND BOBS: What A Mother She Is
TANGGERO: Ano ba naman ABS-CBN?
JOKE LANG: Mga Tinipong Patawa...
UTAKAN CHALLENGE featuring PacMAN plus
***********************************
Magtitipon ang mga pinuno ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, Russia, UK, at USA – mga mayayamang bansa sa daigdig – sa Scotland para sa taunang G8 (Group of 8) Summit mula Hulyo 6-8, 2005. Layunin ng summit na talakayin ang mga isyung kinakaharap ng mundo sa kasalukuyan: epekto ng globalisasyon, seguridad, at kasaganahan. Kasama sa mga proyektong ipinapatupad ng grupo ay ang pagsugpo sa AIDS, TB, at Malaria at ang pagkakaroon ng mga ligtas ng pasilidad nukleyar.
Sa nalalapit na summit dalawang mahahalagang isyu ang haharapin ng mga lider na dadalo: Africa at pagbabago ng klima. Kahirapan ang sumasagi sa isip kapag nababanggit ang Africa. Pinapalala pa ito ng ng AIDS, tagtuyot, paglalaban ng mga lipi, at katiwalian sa gobyerno. Samantala, nagdudulot ng matinding pagkasira sa mga pananim, kabuhayan, at kapaligiran ang radikal na pagbabago ng klima.
Nakikiisa kami sa pagdarasal para sa mga lider na makikibahagi sa G8 Summit. Gamitin nawa nila ang kanilang kapangyarihan at impluwensya para puksain ang kahirapan, sa Africa man o sa iba pang rehiyon sa daigdig, sa pamamagitan ng pagkansela sa utang ng mga bansang mahihirap, karagdagang tulong pinansyal para maitaguyod ang buhay ng mga mamamayan, at makatarungang pangangalakal.
Gayon din, pangunahan nawa nila ang pagbalangkas ng mga gawain para masawata ang pagbagsak ng Inang Kalikasan.
Malaking pananagutan ng mga nakakaangat na bansa at indibidwal na hanguin ang mga kapus-palad nilang kapwa at ibahagi sa kanila ang mga biyayang inilaan ng Diyos para sa lahat ng Kanyang nilikha. Kung magsasawalang-bahala ang mga kinauukulan, sino pa ang sasaklolo sa mga dukha?
Naangkop na Pagkilos ng Yahoo
Isang magandang balita ang pagkansela ng Yahoo sa kanilang mga Chat Rooms sa Yahoo Messenger na nilikha ng mga users nito. Ito ay isang matapang na hakbang ng kumpanya bilang pagtugon na rin sa pressure ng kanilang mga advertisers at grupo ng mga moralista.
Milyon-milyon ang gumagamit ng Yahoo Messenger sa buong mundo, karamihan ay kabataan, na labis na nawiwili sa mga features nito partikular ang mga user rooms na hinati sa mga kategoryang naayon sa panlasa ng mga gumagamit.
Maganda sana ang layunin ng mga rooms na ito kung hindi lamang hinaluan ng kalaswaan ng ilan. Sa Pilipinas, bago isinara ang mga rooms, ay laging puno ang mga ito lalong-lalo na ang mga may pangalang nagtataglay ng himig sex,tulad na lang ng "Masarap ang Bawal Room."
Hatid na rin ng mga makabagong teknolohiya, hindi ordinaryong chat lamang ang maaaring gawin ng isang user kundi pwede na rin silang magkakitaan sa tulong ng web camera, kung saan malinaw na malinaw nilang makikita nang live ang kanilang mga ka-chat .
Sa puntong ito pumapasok ang kamunduhan. Ang simpleng chat ay nauuwi kadalasan sa pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan, pang-aakit at pag-aanyaya upang magkita ng personal pagkatapos.
Inamin ng Yahoo na wala silang sapat na kakayahan upang subaybayan ang mga rooms na ito dahil ito ay nilikha ng mga pribadong users at hindi ng Yahoo mismo. Nangako silang aayusin ang kanilang sistema sa pamamagitan ng tuluyang pagsasara sa mga user-sanctioned rooms at sa halip ay maghahain na lamang sila sa publiko ng mga rooms na ang Yahoo mismo ang gagawa at mamamahala.
Ang planong ito ng Yahoo ay maaaring ikagalit ng kanilang milyon-milyong users subalit dapat manindigan ang Yahoo para sa tama alang-alang na rin sa kapakanan ng mga kabataan na siyang pangunahing gumagamit ng kanilang serbisyo.
ANOMALYA SA ABUCAY MARKET
By Mel Enriquez
Sampung konsehal umano mula sa grupong mayorya sa Konseho ng Maynila ang nagtangkang kikilan ng 1.2 milyong piso ang may-ari ng pribadong Abucay Market sa Hermosa Street kapalit ng renewal ng prangkisa nito.
Sa kanyang privilege speech kamakailan, sinabi ni District II Councilor Edward M. Tan na nakatanggap siya ng liham-sumbong mula sa may-ari ng palengke na si Geotilde Flavier na tumutukoy sa pangalan ng sampung miyembro ng konseho na nagtatangkang mangikil sa kanya.
Nais sanang banggitin ni Konsehal Tan ang mga pangalan ng konsehal subalit siya ay mabilis na pinigilan ni Manila Vice Mayor Danilo Lacuna upang hindi maapektuhan ang isasagawang imbestigasyon.
Samantala, kaagad namang nilinaw ni Councilor Abel C. Viceo na hindi siya kasama sa nasabing talaan.
Ang Maynila ay mayroong 36 na konsehal at 2 sectoral representatives. Tatlo lamang sa mga ito ang miyembro ng minorya : sina Konsehal Nelissa Beltran-Ricohermoso, Isko Moreno at Benjamin Asilo.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home