March 26, 2005

SABADO DE GLORIA

Greetings from the mountainous mountain of Banahaw. Mahal na araw kaya kailangan kong i-recharge ang aking kapangyarihan.

Kapangyarihang mang-asar. Wa-hi-hi!


***

Biyernes Santo – patay daw ang Diyos kaya naglalabasan ang sari-saring lamang-lupa, maligno at kung anu-ano pa.

Kaya nga nagtago ako. Mahirap nang mapagkamalan.


***


Sabado de Gloria na. Unti-unti nang bumabalik sa "normal" ang lahat. 'Yong mga nagbait-baitan kahapon ay medyo mabait na lang ngayon.

Hoy, pwede nang maligo ang mga hindi naligo kahapon dahil umano Biyernes Santo.

***


Karamihan sa Pinoy ay hanggang Biyernes Santo lang ang paggunita sa mga Mahal na Araw. Hindi na umaabot pa sa Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday.

Kaya naman parang wala pa rin Pagkabuhay sa buhay ng ilan sa atin.

***


Kung paano natin binigyang importansiya ang Biyernes Santo ay ganoon din sanang pagpapahalaga ang ibigay natin sa Linggo ng Pagkabuhay. Anong saysay ng pagkamatay kung walang pagkabuhay?

Wala lang.


***


Anyway, ang point ko eh simple lang. Mamayang gabi ay isasagawa na sa lahat ng Simbahan ang Easter Vigil Rites, kasama na diyan ang Saint Joseph de Gagalangin. Sana ay makadalo pa rin tayo sa gawaing ito. Makahulugan ang pagdiriwang na ito.

Siyempre masaya rin.



***


Wag kayong magtataka kung walang ilaw ang simbahan pagdating ninyo. Hindi nakalimot si Fr. Gungon magbayad sa Meralco. Ito ay bahagi talaga ng seremonya na mag-uumpisa sa patyo ng simbahan, kung saan may malaking siga na babasbasan at pagkukunan ng apoy para sa Easter Candle. Saka aawit ang pari ng:

Si Kristo ang liwanag…At sasagot tayo ng: Purihi't Siya't Ipagdangal.



***


Tapos magpu-prusisyon ang lahat papasok ng simbahan na may dala-dalang mga kandilang sinindihan mula sa benditadong siga. At pagdating sa altar, konting seremonyas at mga panalangin at pagkatapos ay uumpisahan na ng pari ang pag-awit ng Exultet, ang pinakahihintay na deklarasyon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Babala: Ingat lang at baka ka mapatakan ng tunaw na kandila ng katabi mo habang iwinawagayway ito.

Tita Oying, sorry po talaga.


***


Pagkatapos ng Exultet ay isusunod naman ang mga Pagbasa mula sa Lumang Tipan: Ang Paglikha, Ang Pag-aalay ni Abraham kay Isaac at Ang Pagliligtas ng Diyos sa mga Israelita mula sa mga Egyptians.

At pagkatapos ay aawitin na ang Gloria ( Papuri sa Diyos )…dyaraan…sisindi na ang mga ilaw ng simbahan at rerepeke na ang mga kampana.


***


Kasunod ng sermon ng pari ay ang pagpapanibago ng sumpa sa binyag o renewal of baptismal vow.

Wag ninyong kakainin ang natirang kandila kanina sapagkat gagamitin pa uli ito ngayon.


***


Habang hawak natin ang mga may sinding kandila tatanungin tayo ng pari: Itinatakwil mo ba si Satanas, lahat ng kanyang gawa, etcetera? Kailangan 'yung totoo lang ang isasagot natin.

Remember, you are under oath!


***


Ang ikalawa namang batch ng mga tanong: Sumasampalataya ka ba sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat…Kay Jesucristo na iisang anak ng Diyos…at sa Banal na Espiritu?

Anong sagot mo?

***


Pagkatapos ng lahat ng imbestigasyong ito ay ang sarap ng pakiramdam. Lalo na kung puro oo ang naisagot mo sa mga tanong ng pari. Iikot ang pari upang basbasan tayo ng Baptismal Water.

Maniwala kayo, ang sarap ng feeling. Para kang sanggol na pagkalinis-linis.

'Yan eh kung nagpakatotoo ka sa lahat ng pinaggagawa mo noong Holy Week at nangumpisal ng totoo.


***


Kung mag-uumpisa ang Easter Vigil Rites ng mga alas-nueve, siguro bago mag-alas-dose ay tapos na ito. May apat na oras ka pang itutulog para sa Salubong.

Kung natatakot ka namang di ka magising sa oras, tambay na lang tayo sa patyo o kaya sa 7-Eleven hanggang mag-alas-kuwatro.


***


Nga pala, bago ko makalimutan, may survey tayo sa Easter Sunday, dito sa anluwage.com, kung ano sa palagay mo ang Salubong 2005...Ito ba'y pinaghandaang mabuti o ordinaryo lang slash ganoon na naman slash walang pinagbago...slash...

Boto kayo ha?


***

Taos-pusong pasasalamat po sa mga nakiisa at nakibahagi sa ating Easter Special, partikular itong THE SEVEN LAST WORDS.

Ito po ang nagtala ng pinakamataas na page visits sa ANLUWAGE.COM. Maraming-maraming salamat po. Pagpalain kayo ng Panginoon!

Sa uulitin ha?

***


Bukas ko na kayo babatiin ng Happy Easter kasi Sabado de Gloria pa lang.

Baka mapagalitan na naman ako ni Manong Piet.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Name *
Subject: *
E-mail Address: *
Age
Message *
Contact No.

* RequiredPowered by myContactForm.com