February 09, 2005

ANG MAHIWAGANG BABAE AT SI BERNADETTE

Isang hapon ng Huwebes, Pebrero 11, 1858, si Bernadette Soubirous, 14 taong gulang, kasama ang kanyang kapatid na si Marie at isang kaibigan ay namulot ng mga kahoy na panggatong malapit sa ilog. Sa di kalayuan ay nakarinig siya ng kakaibang tunog at dagundong. Namangha siya nang kanyang hanapin at lingunin ang pinagmumulan ng kakaibang tunog na iyon. Ito ay galing sa isang babaeng may maamong mukha, nakadamit ng puti na may alapay na asul, ang ulo ay natatakluban ng puting belo, at hubad ang mga paang nababalutan ng mga bulaklak. Ito ay nakatayo sa bunganga ng isang grotto o kuweba na kung tawagin ay Massabielle. Sa kanyang kanang kamay ay hawak niya ang isang rosaryo at nagsabing sabayan siya ng bata sa pagdarasal ng mga hiling ng Birhen.




Labingwalong ulit pang nagpakita ang mahiwagang babae kay Bernadette na lingid sa kanyang kaalaman na ito ay ang Mahal Na Birhen. Ang Mahal na Ina ay nag-utos sa kanya upang humukay at inumin ang tubig na bumukal dito. Kalaunan, ang hukay ay naging isang malaking bukal at ipinangako ng Mahal na Birhen na ito ay maghahatid ng lunas sa sinumang mangangailangan nito.

Hiniling din ng Birhen kay Bernadette na sabihan ang Kura ng lugar na iyon na magtayo ng kapilya sa dakong iyon bilang alaala ng kanyang aparisyon. Subalit si Bernadette ay hindi pinaniwalaan ng Kura at sa halip siya ay hinamon nito na sabihin sa mahiwagang babae na magpakita ng milagro.

At ito ay tinugon ng Mahal na Birhen. Marso 25, sinabi ng Birhen kay Bernadette na sabihin sa Kura na siya ang Inmaculada Concepcion, bagay na lingid pa sa kaalaman ng mga simpleng mananampalataya noong panahon iyon, Lalo’t higit sa isang katorse anyos na dalagita.

Taong 1862, lubos na tinanggap ng Simbahan ang mga aparisyong ito na naganap sa Lourdes, France. Magmula noon hanggang ngayon, libu-libo na ang mananampalataya ang napapagaling ng bukal na iyon. Samantalang si Bernadette ay naging madre at namatay noong 1879. Siya ay idineklarang Santa noong 1933, hindi dahil sa aparisyon kundi dahil sa kanyang simpleng buhay sa paglilingkod.


Name *
Subject: *
E-mail Address: *
Age
Message *
Contact No.

* RequiredPowered by myContactForm.com