BASURA SA PANAHON NG KAPASKUHAN
By Pietro BS AlbanoIsang barrio fiesta ang nagaganap hindi lang sa Gagalangin, kundi sa buong mundo kapag dumarating ang Pasko. Nandyan ang mga handaan, inuman, bigayan ng regalo, paglalagay ng mga gayak, at marami pang iba. Masaya ang tanawin.
Subalit kapag natapos na ang selebrasyon, ga-bundok na basura ang kailangang ilabas mula sa mga tahanan oras na humuni ang trak na dilaw. Minsan pa nga, sa sobrang dami ng basura, agad-agad na natin itong inilalabas bago pa kolektahin. Sa lakas ng hangin nagiging isang dambuhalang tambakan ang lansangan. Kaya nga binago na ang linya ng isang awit-pamasko: "Mabaho ang simoy ng hangin...".
Hindi lahat ng basura ay basura. Halimbawa na rito ang papel - dyaryo, komiks, magazine, atbp. Ihiwalay ninyo sila at isama sa mga lumang lata at bote (maliban sa bote ng beer at softdrinks na dapat isoli sa tindahan ni Mang Jaime o Aling Anita). Ibenta kay Mang Kulas, ang walang kupas na magbobote. Pwede ring ipagbili ninyo ang mga lumang magazine malapit sa Banco de Oro sa Avenida at sa may National Bookstore sa Recto. Ang iba pang klase ng papel ay maari ring gamiting scratch paper. Ang papel, lata, at bote ay mga halimbawa ng basura na nire-recycle. Ang lumang dyaryo'y nagiging libro para sa mga estudyante ng ICAM. Ang lumang lata, bagong lata ng 555 sardines, hagdan ng mga repairman ng PLDT o eroplano ng PAL. Ang lumang bote, bagong bote ng Rufina Patis.
Tipunin din natin ang mga plastic bag na galing sa 711, Jollibee, Mercury Drug, palengke, o anumang sari-sari store. Isa sa mga sakit ng ulo ng buong daigdig ay ang pagsira sa mga plastic na tinatapon natin. Aabutin ng sandaang taon bago masira ang karamihan sa kanila. Hangga't maaari gamitin ninyo sila. Kung mamamalengke kayo sa pwesto ni Cely, magdala na kayo ng inyong lalagyan. Sulitin ninyo ang paggamit ng mga plastic bags at iba pang yari sa plastic gaya ng mga kubyertos.Gamitin sila hanggang sa talagang wala na silang pakinabang.
Isa pang maaaring mapakinabangan ay ang mga balat ng itlog, gulay, at prutas gayun din ang mga bulok na pagkain. Ilagay sila sa isang lalagyan at ibigay kay Aling Ising para sa kanyang mga alagang baboy - tamang-tama para sa darating na pista o Pasko!
Ang isa pang alternatibo sa ganitong uri ng basura ay paggawa ng compost. Ang compost ay ginagamit sa mga hardin para maging pataba sa mga halaman o kaya'y para tulungan ang ating mga pananim na makasipsip ng higit pang tubig at mineral. Pagsama-samahin ang mga balat ng itlog, gulay, at prutas pati na ang mga naglalaglagang ninyong buhok (pati na ng mga alagang aso't pusa). Maghanda ng isang malaking lumang timba. Butasan ang puwit ng timba at ilagay sa isang malupang lugar sa inyong hardin na madalas tamaan ng sikat ng araw. Ibuhos ang lahat ng mga pinagsama-samang basura, basain ng tubig, at takpan ng trapal o anumang yari sa plastic. Haluin at basain linggu-linggo. Maghintay ng 2-3 buwan. Kapag kulay-lupa na ang inyong basura puwede na silang lagay sa lupa malapit sa inyong mga pananim. Kay gandang paghahanda sa panahon ng tag-araw!
At anumang matira sa inyong basurahan - matapos ihiwalay ang hindi pa dapat ibasura - yan ang ibigay ninyo kinabukasan kay Mang Oca basurero.
Isang malinis na Pasko at ligtas na Bagong Taon sa inyong lahat!
0 Comments:
Post a Comment
<< Home