Balitang-Balita
Editorial
Pahina 3
War of the Worlds ni Spielberg Malufet!
Segments
BEFORE SUNDAYS: Mga Pagbasa para sa Misa sa July 10, 2005
JOKE LANG: Mga Tinipong Patawa...
TANGGERO: Isang Super-Boring na FridaY
UTAKAN CHALLENGE featuring PacMAN plus
***********************************
Isa sa mga kilalang trabaho ng mga kalalakihang Pinoy ang pagiging seaman. Bukod sa kumita nang malaki, naroon din ang oportunidad na dumaong sa iba’t ibang panig ng daigdig. Subalit mayroon itong masaklap na kapalit – ang mawalay sa mga mahal sa buhay. Di tulad ng ibang nagtratrabaho sa labas ng bansa, walang kakayahan ang mga seaman na isama ang kanilang pamilya saan man sila naroroon.
Nakakalungkot isiping may ilan sa kanila na madaling nagpapatalo sa lumbay at natutuksong mangaliwa. Ito rin ang eksena sa ibang mga kababaihang di makayanan ang kawalan – kahit panandalian lamang – ng karamay sa pangangalaga sa mga anak.
Bilang isang inang nagmamalasakit sa kanyang mga anak, itinaguyod ng Simbahan ang Apostleship of the Sea (AOS) para mangasiwa sa espiritwal at sosyal na kapakanan ng mga mandaragat at ng kanilang mga pamilya.
Sa pagdiriwang ng Sea Sunday sa ika-10 ng Hulyo, suportahan natin ang AOS sa pamamagitan ng panalangin at tulong-pinansyal. Magkakaroon ng second collection sa bawat simbahan tanda ng selebrasyong ito.
Ipagdasal din natin ang seaman: maging tapat nawa sila lagi sa kanilang trabaho at pamilya. Alalahanin din natin ang mga asawa’t anak na kanilang sinusustentuhan: bigyang-halaga nawa nila tuwina ang pagsisikap ng mahal nilang nagtitiis ng di mabilang na kahirapan para matiyak ang kanilang magandang kinabukasan.
Ang tatlong huling araw ng sesyon ng Kongreso, i.e., mula Hunyo 6, 7 at 8 ay parang isang eksena sa pelikulang suspense. Nakapipigil hininga ang mga sunod-sunod na pangyayari.
Ang gusto ng mga Feminista ay maisalang sa lalong madaling panahon ang HB 3773 sa Plenary para sa Second Reading. Mapapansin sa mga press realease nila at binabaluktot pa nila ang katotohanan na sang-ayon daw si Arsobispo Capalla na isalang na sa floor debates ito. Kung kaya’y maagap na naglinaw ang ating butihing Arsobispo na hindi ito totoo. Talagang gagawin nila ang lahat maisabatas lamang ito.
Ayon sa report ng ating mga kaibigan sa Kongreso, bago dumating ang huling linggo ng Sesyon, diumano’y lamang tayo sa referendum ng Committee on Rules. Ang referendum ay ginawa ni Congressman Nograles upang alamin ang opinyon ng mga miyembro kung ibabalik sa Komite o isasalang na sa Plenary ang Committee report ng Committee on Women sa HB 3773.
Sa ganang atin, ang layunin natin ay maibalik ito sa komite dahil hindi sapat na natalakay ito at nabigyan tayo ng pagkakataong maipahayag natin ang ating posisyon. Dagdag pa, dapat din sangkot ang mga Committee on Health at Population sa usaping ito, dahil ang usapin ng RH ay hindi lamang usapin ng kababaihan. Naulinigan nga natin na nagkukuwentuhan ang mga waiter sa Committee hearing na nagtatanong ng “Bakit walang Committee on Men? Dapat kasali rin ang mga kalalakihan dyan!”
Simple pero may katotohanan ang komentaryo, dahil naniniwala tayo na ang usapin ng Population Control at Buhay ay sangkot ang lahat—babae, lalaki, bata at matanda. Subalit ang mga feminista ay pinakikitid ito sa kababaihan lamang.
Gayon na nga ang nangyari, ayon sa ulat lumipat ng bakuran ang ilang kongresista, sa ‘di pa malamang dahilan, sa panig ng “isalang sa Plenary”. Naiulat ito nuong Emergency Meeting ng Committee on Rules ng tanghali ng Hunyo 7, Martes. Agarang naisama ito sa Business of the Day para sa Hunyo 8, Miyerkoles.
Alas Kwarto, Hunyo 8. punong-puno ng mga tagasuporta ng RH o HB 3773 ang gallery ng Kongreso. Nakasuot sila ng t-shirt na kulay lila na may tatak na pagsuporta sa HB 3773. Gayundin sa floor mismo ng Plenary Hall ay namimigay ng corsage sina Etta Rosales sa mga Kongresistang suportador nila. Kapuna-puna rin ang pagpapabalik-balik ni Congressman Lagman na tila ba nanganganay, nakangiti at balisa.
Habang binabasa ng Majority Floor Leader ang mga Committee Report ng iba’t ibang Committee ay nakakapigil-hiningang inaabangan namin at ng mga Pro-life Congressmen na basahin ang report ng Women.
Subalit matapos ang isang privilege speech at nasundan pa ng isang kontrobersyal na privilege speech ni Congressman Escudero hinggil sa tapes ‘di umano’y pag-uusap nina Presidente Arroyo at Commissioner Garcillano, laglag bigla ang balikat ni Congressman Lagman. Hindi naganap ang inaasahan niyang sponsorship speech para sa HB 3773.
Nang maging malinaw na wala nang maasahan pang makapag-speech si Lagman, palima-limang nagsialisan na ang mga tagasuporta ng RH na nakasuot ng t-shirt na lila. Nagtataka sila kung ano ang nangyari at bakit sila kailangang tatlong araw nang nagpaparoo’t parito sa Kongreso, at kung bakit ang pinakahihintay nilang speech ni Lagman ay hindi naganap.
Pagkakataon? Dininig ng Diyos ang ating sama-samang panalangin at binigyan tayo ng panahon para maghanda sa mas matinding labanan?
Sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo 25, 2005. Ang sentro na ng labanan ay sa Plenary debates na. Mahirap nang bawiin pa ng Committee on Rules ang desisyon nitong isalang na sa Plenary debates ang HB 3773.
Ano ang pwede nating gawin?
Sulatan, bisitahin at kausapin ang sino mang Congressman na kilala natin at sumasaklaw sa ating mga distrito. Kausapin din natin ang ating mga Obispo na samahan tayo sa pakikipag-usap sa mga Kongresista. At sa bandang huli at kung kinakailangan, mag-prayer rally sa harap ng Kongreso at punuin ang gallery ng Plenary Hall ng Kongreso.
Subalit ang pinakamahalaga ay ang ating sama-samang panalangin sa Panginoong Diyos na bigyan tayo ng lakas ng loob at gabayan sa pakikibakang ito para ipagtanggol ang Buhay; at liwanagin ang isipan ng ating mga mambabatas na sagkaan ang pagsasabatas ng HB 3773.